Saturday, August 3, 2013

Pa Pe Fi Po Pu

     Habang sinusulat ko tong ginagawa kong kalokohan, eh may panukala ang Komisyon sa Wikang Filipino na gawing Filipinas ang nakasanayan nating Pilipinas. Ang planong ito eh makapagbibigay daw ng mas malalim na pansin sa Kasaysayan ng Pili…Filipinas. Dahil sa yun ang layunin ng pagbabago ng letra, sana bigyan din ng pansin ang history ng pangalan na “Filipinas.”

     Nung nasa elementarya ako, bukod sa larong 1+1 Magellan, eh nakilala ko rin si Magellan bilang unang nakadiskubre sa Perlas ng Silangan. Siya ay pinatay ni Lapu-Lapu, at sabi naman ng mga batang litong lito kapag tinatanong kung sinong pumatay kay Lapu-Lapu, isasagot eh si Magellan. At ang pangalan daw ng bansa natin ay isinunod sa pangalan ng Hari ng Espanya na si Felipe II. Tapos nun eh hindi na nasundan yung nalalaman ko kung pano naging Pilipinas. Pero pwede naman nakalimutan ko lang. Medyo marami naman ako natutunan nung nag-aaral ako. Limot ko na nga lang.

     Pagtapos ibalita tong panukala na to, dumami rin ang mga nagcomment na mga epal. Mga alam-alaman na naman. Sinasabi, ayusin daw muna ang traffic, uunlad daw ba ang Pilipinas sa ginagawang yan, gastos lang daw yan at sasayangin lang ang tax diyan, marami pa daw problema ang bansa na mas dapat unahin. Tama naman. May punto naman kahit papaano ang mga matatalino kong kababayan na kulang na lang eh palitan nila ang administrasyon at sila na lang ang dapat na masunod. Pero kung ako ang tatanungin, mas gusto ko naman problemahin yung ganitong usapin kesa problemahin kung may AIDS nga si Bb. Gandanghari. Mas gusto kong pagurin ang utak ko dito kesa isipin kung sinong mga bakla sa showbiz ang ayaw umamin. Bakit ba nung lumabas ang mga jejemon may pakialam tayo? Gusto natin na mawala yung ganung paraan ng pagsusulat. Kasi alam natin na mali yun. Ngayon namang tinuturuan tayo ng tama, wala na tayong gana pag-usapan.

     Naglabasan din naman ang mga may pakialam sa ganitong usapin. Kahit papaano eh nalaman natin na meron palang Komisyon ng Wikang Filipino. Kasi ako di ko pa sila makikilala kung di dahil sa ginawa nila. Maganda naman ang layunin nila. Pero kung talagang kasaysayan ang layunin nila, sana mabigyan din nila ng pansin ang kalidad ng pagtuturo ng Kasaysayan sa mga kabataan.

     Alam ko na! Pag-usapan na lang natin si John Lloyd Cruz. Baka sakaling may pakialam ka.

Bata bata, paano ka gumawa?

     Masarap maging bata. Walang pinoproblema. Lahat eh pwede mong i-asa sa mga magulang mo. Magngangawa ka lang eh pwede ka na nilang pagbigyan sa gusto mo. Ganyan ang bata. Nagkakaproblema lang kapag di mo binigay ang gusto. Masarap maging bata lalo na kung pag-aaral lang ang problema mo. Matinding problema na siguro kung pilitin silang manguna sa klase. Pero malamang eh wala ka ng problemahin kung hindi yan lang pag-aaral mo.

     Masarap maging bata at palakasin ang katawan sa pamamagitan ng pakikipaglaro. Pero kung ang mga kalaro mo ay nasa kani-kanilang eskwelahan, kumuha ka lang ng laruan sa baul e siguradong may instant kalaro ka na. Sige lang, kausapin mo lang ang mga laruan. Alam naming kung gano kalawak ang imahinasyon mo. Na ang simpleng bote ng softdrinks ay nagagawa mong kalaban ng action figure mong si Spiderman.

     Masarap maging bata. Wala kang pakialam sa kinakain mo. Wala kang pakialam kung mananaba ka. Hindi ka pipigilan kumain ng mga pagkaing mayaman sa cholesterol dahil hindi ka pa prone sa mga sakit na nakukuha ng matatanda.

     Masarap maging bata. Pag natulog ka sa sofa, pag-gising mo nasa malambot na kama ka na. Binuhat ka na pala ng tatay mo papasok sa kwarto mo.

     Masarap maging bata kung ikaw ay nakakapag-aral. Pero dahil sa hirap ng buhay, kasama ka ng iyong magulang sa pagtatrabaho. Sa murang edad mo nabubugbog na ang katawan mong sana eh nakaupo sa armchair. Napupwersa ang mga kamay mong sana ay nakapatong lang sa desk at pinansusulat. Ang resulta eh bato-batong katawan, imbis na matabang utak.

     Masarap maging bata kung ikaw ay nakakapag-laro. Pero dahil sa hirap ng buhay, imbis na ikaw ay makipaglaro sa mga bata, bakit parang kay kamatayan ka pa nakipag-laro? Kaunting pagkakamaling magawa mo sa delikado mong trabaho, malamang na paglamayan ka ng mga batang…hindi mo kalaro, pero katrabaho mo.

     Masarap maging bata kung ikaw ay may kinakain. Pero dahil sa hirap ng buhay, tatlong klaseng ulam lang ang alam mong kainin. Kung hindi ka pa maghahanap-buhay, siguradong papalipasin lang ang gutom nila, kasabay ng paglipas ng dilim.

     Masarap maging bata kung ikaw ay may malambot na higaan. Pero dahil sa hirap ng buhay, eh hindi nararamdaman ng mga kabataang uuwi ng pagod at masakit ang katawan pagkagaling sa trabaho.

     Ang isa lang sa hindi ko maintindihan ay ang pagpapatigil ng kung sino man sa paghahanap-buhay ng mga bata. Kailangan ba silang patigilin? Kung alam naman natin na yung mga kabataang yun lang ang makakatulong sa kanilang pamilya. Kung hindi nila pagtatrabahuhin ang mga batang yun, pag-aaralin ba nila yun? Tutulungan ba nila ang mga magulang nung bata? Susuplayan ba nila araw-araw ng pagkain? ‘Pag pinatigil nila pagtatrabaho yung bata, anong sunod na hakbang? Wala na ulit pakialam? Bakit kasi hindi yung mismong “cause” ang binibigyan ng solusyon.