Saturday, August 3, 2013

Bata bata, paano ka gumawa?

     Masarap maging bata. Walang pinoproblema. Lahat eh pwede mong i-asa sa mga magulang mo. Magngangawa ka lang eh pwede ka na nilang pagbigyan sa gusto mo. Ganyan ang bata. Nagkakaproblema lang kapag di mo binigay ang gusto. Masarap maging bata lalo na kung pag-aaral lang ang problema mo. Matinding problema na siguro kung pilitin silang manguna sa klase. Pero malamang eh wala ka ng problemahin kung hindi yan lang pag-aaral mo.

     Masarap maging bata at palakasin ang katawan sa pamamagitan ng pakikipaglaro. Pero kung ang mga kalaro mo ay nasa kani-kanilang eskwelahan, kumuha ka lang ng laruan sa baul e siguradong may instant kalaro ka na. Sige lang, kausapin mo lang ang mga laruan. Alam naming kung gano kalawak ang imahinasyon mo. Na ang simpleng bote ng softdrinks ay nagagawa mong kalaban ng action figure mong si Spiderman.

     Masarap maging bata. Wala kang pakialam sa kinakain mo. Wala kang pakialam kung mananaba ka. Hindi ka pipigilan kumain ng mga pagkaing mayaman sa cholesterol dahil hindi ka pa prone sa mga sakit na nakukuha ng matatanda.

     Masarap maging bata. Pag natulog ka sa sofa, pag-gising mo nasa malambot na kama ka na. Binuhat ka na pala ng tatay mo papasok sa kwarto mo.

     Masarap maging bata kung ikaw ay nakakapag-aral. Pero dahil sa hirap ng buhay, kasama ka ng iyong magulang sa pagtatrabaho. Sa murang edad mo nabubugbog na ang katawan mong sana eh nakaupo sa armchair. Napupwersa ang mga kamay mong sana ay nakapatong lang sa desk at pinansusulat. Ang resulta eh bato-batong katawan, imbis na matabang utak.

     Masarap maging bata kung ikaw ay nakakapag-laro. Pero dahil sa hirap ng buhay, imbis na ikaw ay makipaglaro sa mga bata, bakit parang kay kamatayan ka pa nakipag-laro? Kaunting pagkakamaling magawa mo sa delikado mong trabaho, malamang na paglamayan ka ng mga batang…hindi mo kalaro, pero katrabaho mo.

     Masarap maging bata kung ikaw ay may kinakain. Pero dahil sa hirap ng buhay, tatlong klaseng ulam lang ang alam mong kainin. Kung hindi ka pa maghahanap-buhay, siguradong papalipasin lang ang gutom nila, kasabay ng paglipas ng dilim.

     Masarap maging bata kung ikaw ay may malambot na higaan. Pero dahil sa hirap ng buhay, eh hindi nararamdaman ng mga kabataang uuwi ng pagod at masakit ang katawan pagkagaling sa trabaho.

     Ang isa lang sa hindi ko maintindihan ay ang pagpapatigil ng kung sino man sa paghahanap-buhay ng mga bata. Kailangan ba silang patigilin? Kung alam naman natin na yung mga kabataang yun lang ang makakatulong sa kanilang pamilya. Kung hindi nila pagtatrabahuhin ang mga batang yun, pag-aaralin ba nila yun? Tutulungan ba nila ang mga magulang nung bata? Susuplayan ba nila araw-araw ng pagkain? ‘Pag pinatigil nila pagtatrabaho yung bata, anong sunod na hakbang? Wala na ulit pakialam? Bakit kasi hindi yung mismong “cause” ang binibigyan ng solusyon.

2 comments: